Padyak, Pitik, at Kuwento: Tara, Bike sa Taktak!

Read Time:3 Minute, 3 Second

“Tayo na sa Antipolo
At doon maligo tayo
Sa batis na kung tawagin ay
Hi-hi-hinulugang Taktak.”

Marahil ang mga kabataang milenyal ay hindi na pamilyar sa awiting ito, pero para sa ating Gen-Xers, madalas nating marinig ang awiting ito noong tayo’y mga bata pa. Dahil sa popularidad ng awit ay naging bukambibig din ito na ginagamit sa pagyakag sa pamilya at mga kaibigan upang magtungo at mag-relaks sa Hinulugang Taktak, ang pinakapamosong pasyalan noon pa man sa Antipolo.

Pero, noon nga lamang ba? 

Siyempre hindi. Hindi lamang tanyag ang Hinulugang Taktak sa mga namamasyal tuwing Sabado at Linggo. Ang lugar na ito ay kilala na rin ngayon bilang isang sikat na destinasyon para sa mga siklista.

Dinarayo na ngayon ang Taktak ng mga siklista mula sa iba’t-ibang lugar sa Kalakhang Maynila.

Kung nung dati, sa tinatawag na Daang Bakal Road lamang nagtutungo kapag Sabado at Linggo ang mga siklista, ngayon pati na rin ang kadikit nitong Pinagmisahan St. ay naging laruan na rin ng mga siklista, mananakbo, at mga naglalakad upang magpapawis at mag-ehersisyo.

Noon, ang mga namimisekleta sa Taktak ay galing lamang sa mga bayan ng Rizal at mga karatig-bayan na Marikina at Pasig. Pero ngayon ang mga siklistang dumadayo ay nanggaling pa ng Cavite, Caloocan, at iba pang mga bayan. Meron pa ngang mga siklistang dumarayo pa dito mula Pampanga at Nueva Ecija.

Ang tanong, bakit dinadayo ng mga siklista ang Taktak sa Antipolo ngayon?

Padyak, Ngiti, at Pitik sa Taktak

Sino nga ba naman ang hindi mawiwiling mag-bisikleta sa Taktak, kung ikaw ay nanggaling sa ibaba ng Antipolo at umahon sa Sumulong, Tikling, o Teresa Antipolo Zigzag Road, tanggal lahat ang pagod mo pagdating sa Taktak.

Bakit ika ninyo? Saan ba naman kayo makakakita ng padyakan kung saan kayo ay mapipitikan hindi lamang ng isa bagkus ay higit pa na mga litratista ng Taktak.

Simula Lunes hanggang Linggo, kapag pumadyak ka sa Taktak, siguradong ikaw ay magkakaroon ng magandang litrato sakay ng iyong bisikleta. Ang kailangan mo lamang gawin ay tanungin ang mga pangalan ng kanilang Facebook page para pag-uwi mo ng bahay, maaari mo nang mahanap ang iyong litrato. Siyempre, huwag mong  kalilimutang ngumiti pagdaan mo sa puwesto ng mga litratista.

Kape, Goto at Kuwento? Marami Ng Mga Iyan sa Taktak

Kapag ikaw ay pagod na sa kapapadyak at kangingiti sa mga litratista, marami kang pagpipiliang kainan at kapehan sa Taktak. Kung sa kapehan lang naman, siguro ay may higit sa lima ang iyong matatagpuan sa Daang Bakal Road lamang.

Pero bukod sa masasarap na kape at pagkain, tiyak na mawiwili ka ring dumayo sa Taktak upang makipag-kwentuhan sa mga kapwa mo siklista na nagpapahinga sa mga kainan sa Taktak. Nangunguna na diyan ang grupo na nabuo nung pagkatapos na lumuwag ang restriksyon sa paggalaw sa Antipolo dulot na pandemya. Ang grupong ito ay tinawag na Taktak Cycling Community na pinamumunuan ng Team Taktak, na karamihan ay mga siklistang nagmula sa bayan ng Antipolo.

Iba Pang Mga Kuwento at Sanaysay

Marami pang mga kuwento at sanaysay tungkol sa pagiging sikat ng Taktak bilang isang siklo-turismong destinasyon sa kalakhang Maynila. Ito ay isa lamang panimula sa isang serye na naglalayong ipakilala ang mga taong nagpapasigla at nagpapasaya ng pagbibisikleta sa Antipolo.

Hindi mahalaga kung ano ang pakay mo sa pagbibisikleta. Kung noon ang pagbibisikleta ay isa lamang uri ng libangan, ngayon ito’y isa na rin pamamaraan upang manatiling malusog at masigla, magkaroon ng mga bagong kaibigan, at siyempre huwag nating kalimutan, ang magkaroon ng magandang larawan habang ikaw ay nagbibisekleta.

Ano pa ang hinihintay mo? Tara bike, sa Antipolo!

Happy
Happy
0 %
Sad
Sad
0 %
Excited
Excited
100 %
Sleepy
Sleepy
0 %
Angry
Angry
0 %
Surprise
Surprise
0 %
Previous post Ang ‘Pabasa’ ang paborito kong tradisyon kapag Mahal na Araw
Next post Alamin: Mga modus na dapat iwasan ng mga mag-a-Alay Lakad ayon sa PNP