Alamin: Mga modus na dapat iwasan ng mga mag-a-Alay Lakad ayon sa PNP

Read Time:3 Minute, 49 Second

Naglabas ng mga babala at ang Antipolo police para masiguro ng mga sasama sa Alay Lakad ngayong taon ang kanilang kaligtasan, habang naglabas din ng mga paalala ang Antipolo Church para rin sa mga sasamang deboto.

“Bilang mga deboto ay may responsibilidad din tayo na i-secure ang ating mga sarili upang hindi mabigyan ng anumang oportunidad ang mga taong may masasamang loob na maaring magsamantala sa pagdiriwang ng Semana Santa,” wika ni Excelsis Zamora, Executive Senior Police Officer ng Antipolo police.

Kabilang sa mga binanggit na modus ng Antipolo City Philippine National Police na dapat iwasan sa mga matataong lugar ang:

1. Ipit-gang modus, kung saan iniipit ng isang grupo ang biktima bago ito dukutan;

2. Laslas-bag modus, na karaniwang nilalaslas ang biktimang naka-backpack na bag sa mga matataong lugar;

3. Laglag-barya modus, kung saan maglalaglag ng barya ang isang kasabwat para tumigil ang biktima na dudukutan habang nakikipulot ng barya sa lapag; at

4. Dura modus, kung saan biglang duduraan ang isang biktima para tumigil at magkakomosyon bago dukutan sa kaniyang likuran.

Naglabas din ng mga paalala ang Antipolo PNP sa mga aakyat na deboto:

1. Huwag nang magdala ng mahahalagang kagamitan na hindi naman kailangan, kagaya ng alahas, gadgets, at iba pa;

2. I-secure ang mga kagamitan lalo na ang mga cellphones at wallet na madaling maagaw at mawaglit;

3. Siguraduhing may passcode ang mga cellphone at i-activate ang location service or find my device upang madaling ma-trace kung sakaling mawala or manakaw;

4. Ilagay ang mga bag sa harapan para makaiwas sa salisi o laslas gang;

5. Anumang bagay na mang-a-agaw ng inyong attention, kagaya ng may nagaaway o nage-eskandalo, hawakan agad mabuti ang bag, cellphones, walet at iba pa. Maaaring modus ito para di mo mapansin ang inyong mga kagamitan habang ninanakaw ng kanilang mga kasamahan;

6. Sa inaasahang dami ng taong mag-aalay lakad, dumaan na sa mga comfort rooms bago magsimula sa mag-alay lakad para sa maginhawa at magaan na paglalakbay.

Kuha mula sa promotional video ng Antipolo PNP.

Narito rin ang mga paalala sa mga sasakay o magdadala ng sasakyan:

1. Kung maaari, sumakay na lamang sa mga pampublikong sasakyan o magpahatid sa mga paid transportation services upang hindi na maabala pa sa paghahanap ng ligtas na parking;

2. Kung kailangan magdala ng sasakyan, huwag mag-iwan ng mahahalagang gamit sa ating mga sasakyan upang hindi mabiktima ng basag-kotse;

3. Huwag mag-park ng sasakyan o mga motor sa mga lugar na madilim at walang bantay na pwedeng pagkatiwalaan;

4. Maglagay ng wheel lock sa mga sasakyan at tire lock sa mga motor upang hindi matangay ng mga magnanakaw; 

5. Malaking tulong ang paginstall ng GPS sa mga sasakyan upang madaling ma-trace kung sakaling mawala o manakaw.

Nagtalaga na umano ang Antipolo PNP ng mga Police Assistance Desk habang maglalagay naman ang lokal na pamahalaan ng Antipolo City ng Public Assistance Centers. Nagtalaga rin ang siyudad ng dagdag na mga pulis, security forces, at volunteer groups para matiyak ang kaligtasan ng mga sasali sa Alay Lakad ngayong taon.

Nagtalaga ng mga karagdagang pulis na nagroronda sa siyudad ang Antipolo PNP para sa Alay Lakad. (Kuha mula sa Antipolo PNP)

Apat na ‘M’

Naglabas din ng paalala ang Antipolo Church para sa mga makikilahok na deboto. Ayon sa International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage, dapat tandaan ng mga sasama sa Alay Lakad ang apat na “M.”

Mapayapa – huwag magsimula ng kahit na anong gulo, palawakin ang pagiisip at ang tanging ibigay sa kapwa ay pagmamahal at paggalang; 

Mataimtim – isaisip na ang Alay Lakad ay hindi paggala kung saan-saan kung hindi ito ay pakikilakbay natin kay Kristo kaya kunin ang pagkakataon na ito para makipag-usap sa kaniya hindi lang ang pagsariling kabutihan kung hindi ang ikabubuti rin ng ating kapwa;

Ilang mga deboto ang nakilahok sa prusisyon ng Miyerkules Santo tampok ang 40 imahen ng mga Apostol. (Kuha mula sa Antipolo Church).

Maglinis – tandaan na banal na lugar ang simbahan kaya panatilihin ang kalinisan. Itapon sa tamang basurahan ang ating mga basura o di naman kaya ay magbitbit ng sariling tapunan. Mahigpit na pinagbabawal ang pag-iwan ng mga basura, lalo na sa pook-dasalan at sa mga daraanan. Itapon na rin ang mga hindi mabuting ugali at mga nakasanayang gawin;

Mag-ingat – hinihikayat ang lahat ng mga deboto na iwasan magdala ng mga mamahaling gamit dahil iwalang pinipiling oras ang kasamaan. Kaya’t maging alisto sa lahat ng oras para makaiwas sa masasamang loob.

Happy
Happy
0 %
Sad
Sad
0 %
Excited
Excited
0 %
Sleepy
Sleepy
0 %
Angry
Angry
0 %
Surprise
Surprise
0 %
Previous post Padyak, Pitik, at Kuwento: Tara, Bike sa Taktak!
Next post Tirahan para sa mga palaboy at walang masisilungan, binuksan ng Cainta LGU