Mga siklista sa Antipolo, umaalma sa mga insidente ng nakawan; PNP, nangakong reresponde
Hinimok ng mga grupo ng siklista sa Antipolo ang lokal na pamahalaan na tugunan ang panibagong insidente ng mga ninanakawang siklista sa siyudad.
Sa isang statement na nilabas sa Facebook, nagpahayag ng pagkabahala ang grupong Taktak Cycling Community sa seguridad ng mga siklista.
“In the past couple of weeks, there have been increasing cases of theft targeting our fellow cyclists in Antipolo City — not only resulting in the loss of property but also injuries, endangering cyclists’ lives,” wika ng grupo.
Nilabas ang naturang statement matapos mag-viral sa Facebook ang video ng isang siklista na hinablutan ng naka-motor sa may Sumulong Highway sa tapat ng Assumption Specialty Hospital and Medical Center. Makikita sa naturang video na dinukutan ng riding-in-tandem ang siklista, na sumemplang agad matapos dukutan. Nakatayo ang siklista sa video matapos tumumba. Bukod sa naturang video, usap-usapan din sa Facebook na may iba pa umanong insidente ng nakawan kamakailan, pero walang malinaw at kumpirmadong mga detalye ukol dito sa ngayon.
“While we can do precautionary measures as cyclists, it doesn’t solve the problem as thinking about one’s safety still looms. What we need is an environment where we can push our pedals worry-free,” wika ng Taktak Cycling Community.
“As the pilgrimage site for peace and good voyage, and as one of the biggest cyclotourism areas near Metro Manila, together we call on the local government and police authorities to take action in ensuring that not only cyclists are protected, but also pedestrians, commuters, and tourists as well — having safer roads and safer rides in Antipolo City.”
Naglabas na rin ng Facebook badge ang Taktak Cycling Community para isulong ang hashtag na #saferoadssaferridesantipolo. Ayon sa grupo, umabot na sa ngayon ang nasa 500 supporters sa naturang kampanya.
Nang hingan ng panig ng The Taktak Times ang hepe ng Antipolo City Philippine National Police na si Police Lieutenant Colonel June Paolo Abrazado, vulnerable umano ang lugar kung saan nangyari ang viral na video dahil noong araw na yun, karamihan ng mga pulis ay tinuon para magbigay-seguridad sa parada ng Maytime Festival sa may Antipolo Cathedral.
Gayumpaman, agad daw nag-meeting ang Antipolo PNP at ang mga kawani ng local city government nang makita ang naturang viral video.
Ayon kay Abrazado, nasa 200 ang bilang ngayon ng mga pulis para bantayan ang nasa 900,000 na populasyon sa Antipolo. Sa kasalukuyan, lumalabas na may isang pulis kada 4,300 na tao sa siyudad, malayo sa ideal na one is to 500.
Gayumpaman, tinipon at kinausap umano muli ng PNP ang mga barangay na napapaloob sa mga crime hotspot tulad ng ilang mga bahagi ng Sumulong Highway. Ito ay para madagdagan ng mga tanod at ilang volunteer groups ang pagpapatrolya sa mga naturang lugar, lalo sa mga peak hours kung kailan maraming dumaraan na mga siklista.
Bukod dito, inaasahan din ang installation ng karagdagang CCTV ngayon taon para dagdagan ang limampu na nakakalat sa siyudad. Wika ni Abrazado, nasa isangdaan ang inaasahan ng siyudad na darating na CCTV na ilalagay sa mga kasalukuyang blindspots.
Bukod dito, paiigtingin din umano ang impounding ng mga motor na walang plaka at kulang ang mga dokumento sa mga PNP checkpoint ayon kay Abrazado.
Bagamat isang hamon ang pagbabantay sa seguridad ng Antipolo, may mga hakbang na ginagawa ang pulis at siyudad ukol dito ayon kay Abrazado.
“Antipolo is the most populous city sa CALABARZON and we can only do so much patroling, bukod sa admin and investigation duties ng offices at ibang functions. Talagang masakit sa amin na may nakikitang nabibiktimang cyclists sa Antipolo kasi ginagawa naman namin lahat ng kaya naming paraan sa pag-allot ng personnel at mga strategy. Rest assured po na mayron kaming ways and means to address but I know it would never be enough,” wika ni Abrazado.
“Yung mga gingawa namin mayron mga challenges, maraming deficienies sa personnel and mobility to cover those bike routes. Rest assured na hindi totoo na wala kaming ginagawa. May ginagawa naman po kami dahil kung wala po siguro kaming ginagawa, baka araw-araw po kaming nalulusutan ng mga krimen,” dagdag pa ni Abrazado.
Bukas din daw ang Antipolo PNP para mas ipaliwanag sa publiko at sa mga nagnanais malaman ang ginagawang hakbang ng siyudad kontra-kriminalidad.
“Sana hindi po sa amin mawala ang trust and confidence ng publiko. May mga ginagawa po para ma-mitigate ang ganitong mga klaseng pandurukot. This kind of problem requires many other persons involved and is not only a police problem, nandiyan na rin ang barangay, mga volunteer groups, at ang iba pa,” wika pa ni Abrazado.
Bim has been a journalist for television, radio, print, and online for many years covering business and news beats. He believes in the power of a good story.