Trip to Taktak
May tatlong siklista, lahat gustong pumunta ng Taktak. Ang unang siklista, pinag-aralan niya ang daan na ginamit ng mga naunang siklista at ito ang susundin niya.
Makakarating siya sa Taktak.
Pero ang ikalawang siklista, may pagkakalog yata, umikot muna sa mga ilog at sa bundok at gubat, umiwas sa kombensyunal na daan, nakipagtsismisan pa sa kalye. Pinagtawanan natin siya dahil madalas natatawa tayo sa mga nalilihis, tama man sila o hindi.
Hanggang sa makarating siya sa Taktak.
Mas mahusay ang ikalawang siklista kaysa sa unang siklista dahil nakadiskubre siya ng bagong daan papuntang Taktak. Hindi magtatagal marami pang susunod sa kanya. Papatag ang landas na ginawa niya at magiging kasimbilis na rin ng naunang daan.
Pero itong ikatlong siklista, hindi rin siya sumunod sa rules. Aba, hindi lang kalog, baliw pa yata! Umikut-ikot din siya sa mga ilog at bundok at palengke at simbahan. Nagka-wala-wala pa! Muntik pang maholdap!
Pinagtawanan din natin siya. Diniscourage. Hanggang sa makarating siya sa isang lugar. Hindi ito ang Taktak. Pero mapapaniwala niya tayo na ito ay Taktak din.
Siya ang pinakamahusay sa tatlong siklista. Dahil may magic sa ginawa niya. Dahil ang mundo ng literatura, sining, pelikula, at pagbibisikleta, pati na ang buhay natin, ay nagiging napakayaman at makahulugan dahil marami, at dumarami, ang Taktak.
(Halaw sa Trip to Quiapo ni Ricky Lee)
Bim has been a journalist for television, radio, print, and online for many years covering business and news beats. He believes in the power of a good story.