Mga deboto at turista sa Antipolo, posibleng dumami pa dahil sa pagiging international shrine ng ‘Antipolo Cathedral’
Maaaring magdulot ng mas marami pang mga deboto at turista ang pagtalaga sa Antipolo Cathedral ng Vatican bilang isang “international shrine.”
Ito ang isa sa mga posibleng implikasyon sa binabang decree ng Santo Papa na magiging epektibo sa ika-25 ng Marso ayon kay Fr. Reynante Tolentino, ang rector ng Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage.
“Posible na magtulak talaga ito ng mas marami pang devotees, mas marami pang pilgrims, hindi lang mula sa Pilipinas, kundi sa ibang bansa dahil siyempre pag nalaman nila na international shrine tayo pupuntahan nila tayo,” wika ni Tolentino. “Yung mga turista natin pipilitin din nilang dumaan dito sa international shrine.”
Taong 2021 nang mag-sumite ang Antipolo Cathedral ng aplikasyon sa Vatican upang maging international shrine matapos makuha ang unanimous approval ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa parehong taon.
Buwan ng Mayo ng 2022 nang sumagot ang Vatican na aprubado ang aplikasyon ng Katedral. Inabot ng halos isang taon ang pagbaba ng decree ukol sa effectivity ng deklarasyon matapos itong abutan ng reorganization ng Roman Curia na nirepaso ng Santo Papa noong 2022.
Kasabay din ng pagiging epektibo ng papal decree sa March 25 ang anibersaryo ng paglalayag ng imahe ng Our Lady of Peace and Good Voyage mula sa bayan ng Acapulco sa Mexico 397 na taon na ang nakalipas. Matapos ang tatlong buwang paglalayag na dumaan sa bagyo at muntikang pagka-sunog, ligtas na nakadaong ang galleon sakay ang Mahal na Birhen sa Pilipinas noong ika-18 ng Hunyo, 1626. Dahil dito, tinawang ang imahe na Mahal na Birhen ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay.
Wika ni Tolentino, malaking bagay sa pag-apruba ng aplikasyon ang debosyon ng mga deboto.
“Ibig sabihin ‘yung debosyon ng mga tao sa Birhen ng Antipolo ay hindi lang para sa Pilipinas, para din ito sa mga taga-ibang bansa. Kaya talaga naman ito’y mahalaga at isang responsibilidad,” wika ni Tolentino.
Natatangi sa Southeast Asia
Ang Antipolo Cathedral ang magiging kaisa-isang international shrine sa Southeast Asia, pangatlo sa Asya, at pang-labing isa sa buong mundo.
“Ito’y karangalan ng Pilipinas, hindi lang ng Antipolo,” wika ni Tolentino.
Sa ilalim ng Code of Canon Law, nakasaad na kailangan ng pag-apruba ng local bishop para maging diocesan shrine ang isang shrine, conference of bishops naman para maging national shrine, samantalang para maging isang international shrine, kailangan ang pag-apruba ng Santo Papa.
Ayon kay Tolentino, posibleng itaon ang selebrasyon sa CBCP assembly sa darating na Hulyo o Enero.
“Sa mga taga-Antipolo at mga deboto ng Mahal na Birhen, magpasalamat tayo at magdiwang po tayo sa pagpayag ng Santo Papa Francisco na tayo’y maging international shrine,” ani Tolentino.
Bukod sa pasasalamat, dapat din daw harapin ng siyudad ang responsibilidad ng pagkakaroon ng isang international shrine.
“Tandaan po natin na ito’y isang responsibilidad natin bilang mga taga-Antipolo at mga deboto ng Mahal na Birhen. Kailangan mag-level up tayo, kailangan yung ating city pang-international,” wika ni Tolentino.
“Balikatin po natin ang responsibilidad na ito. Gawin natin ang ating magagawa para protektahan ang ating debosyon sa Mahal na Birhen at protektahan ang ating pananampalataya kay Hesus para manatiling international shrine ang Antipolo.”
Bim has been a journalist for television, radio, print, and online for many years covering business and news beats. He believes in the power of a good story.