Ang ‘Pabasa’ ang paborito kong tradisyon kapag Mahal na Araw
(sinulat ni Father Reynante Tolentino, Antipolo Shrine rector)
Kung mayroong isang tradisyon sa Mahal na Araw, sa panahon ng Kuwaresma, na gustung-gusto ko bukod sa Prusisyon, ito yung Pabasa.
Ang Pabasa ay ang pagbabasa ng salita ng Diyos, pag-awit ng kasaysayan ng ating Kaligtasan. Ito ay ginagawa na ng mga Pilipino noon pa, ilang dekada na ang nakalipas.
Minana natin ito sa ating mga ninuno. Para sa akin ang pabasa ay hindi lamang pagbabasa ng salita ng Diyos, bilang pagpupuyat para sa kasaysayan ng ating kaligtasan. Ang Pabasa rin ay pagpapakain, pagbabahagi ng salita ng Diyos sa ating mga kapwa lalung lalo na sa mga dukha, lalung lalo na sa mga mahihirap.
Hindi po ba lahat ng mga nagpa-Pabasa, nagpapakain? Lahat ng nagpa-Pabasa naghahanda, nag-iipon ng panghanda para sa kanilang Pabasa.
‘Pag sinisimulan ang Pabasa ng tanghalian hanggang kinabukasan, di ba’t lahat puwedeng kumain? At alam niyo, ang unang nakikinabang doon sa Pabasa ay yung mga kapatid nating walang wala. ‘Yung mga kapatid nating nahihirapang mabuhay, walang makain. Lalo na ‘yung mga Pabasa sa mga kapilya, Pabasa sa mga Kanto. Ang daming nagugutom na nakakakain sa panahon ng Mahal na Araw, sa panahon ng Kuwaresma dahil sa Pabasa kaya para sa akin napakapahalaga ng pagpa-Pabasa.
Kaya saludo ako sa lahat ng pamilya, yung mga pamilya na may-ari ng mga imahe, mga santo. Saludo ako sa mga kapilya, mga simbahan na nagpa-Pabasa. Kasi kapag may Pabasa, may kainan, may pakain, may magtatawid ng gutom sa ating mga kapatid na nangangailangan.
Saludo ako sa inyong lahat. At ang dalangin ko ‘wag natin tigilan ang debosyon na ito, ang tradisyon na ito sa ating mga Pilipino. Habang tayo’y nabubuhay siyempre mahalaga na tayo’y magsimba, dumalo ng Easter Triduum sa panahon ng Mahal na Araw. Mahalaga mga kapatid na tayo’y manalangin, mag-ayuno, maglimos.
Sa madaling sabi mahalaga sa panahon ng mahal na araw na tayo’y magbalik-loob sa Diyos. At huwag nating kakalimutan ang pagpapabasa dahil ito’y pagpapakain, pagbabahagi ng salita ng Diyos at ng pagkain na nagmumula sa ating panginoong Hesu Kristo.
Tandaan po natin ang sabi ng ating panginoong Hesus—anuman ang ating ginawa sa ating kapwa, lalung lalo sa mga dukha, ito’y sa Kaniya natin ginagawa.
Kaya halina, magbasa, magpakain, at makikain ngayong panahon ng Kuwaresma at Mahal na Araw.
Rev. Fr. Nante Tolentino is the Parish Administrator and Shrine Rector of Immaculate Conception Parish and the National Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage, popularly known as The Antipolo Cathedral.